Sa kasalukuyan, dapat nakatanggap na ang lahat ng mga botanteng kasapi ng OTW (Organisasyon para sa Ibahing Katha) ng email na naglalaman ng kawing ukol sa mga panuto para sa halalan ng taong 2021. “Voting Instructions for Organization for Transformative Works (OTW) Board Election” (Mga Panuto sa Pagboto para sa Eleksyon ng Lupon ng Organisasyon para sa Ibahing Katha (OTW)) ang paksa ng email. Mangyaring tandaan na hindi kasama sa listahan ng mga botante at hindi makatatanggap ng balota ang mga hindi nakatanggap ng email na ito.
Maglalaman ng kawing sa isang panubok na bersyon ng balota ang email ng mga panuto sa pagboto. Mangyaring sundan ang kawing para siguraduhing maayos na nakalahad ang pahina at nakikita ang lahat ng mga kandidato. Kung hindi, mangyaring siguraduhin na hindi naka-block ang JavaScript mula sa ajax.googleapis.com, bootstrapcdn.com, at/o opavote.com.
Kung kasapi ka ng OTW at hindi ka nakatanggap ng email na ito, mangyaring gawin ang mga sumusunod:
- Tignan ang iyong spam folder.
- Kung gumagamit ka ng Gmail, tignan ang iyong Social tab.
- Kung nakamarka bilang spam ang email, alisin ang markang ito dahil kung hindi, hindi mo matatanggap ang iyong balota, sapagkat mapupunta rin iyon sa spam.
- Kung wala kang email na mahanap, tignan ang resibo ng iyong donasyon at suriin ang petsa.
- Upang bumoto sa halalang ito, dapat nasa pagitan ng ika-1 ng Hulyo 2020 hanggang ika-30 ng Hunyo 2021 ang petsa ng iyong resibo, kasama ang una at huling mga petsa.
- Kung nagbayad ka gamit ang tseke, nag-umpisa ang iyong pagiging kasapi mula sa petsa ng pagdating ng iyong tseke. Mangyaring tandaan na nakatakda ang petsa ng resibo ng iyong donasyon sa US Eastern Time, kaya kung nailista ang iyong donasyon matapos ang 19:59 sa ika-30 ng Hunyo, 2021 sa resibo nito, hindi ka maaaring bumoto. Kung hindi ka sigurado kung nagawa ang iyong donasyon bago ang palugit, mangyaring makipag-ugnayan sa aming Komite ng Pagsulong at Kaaniban sa pamamagitan ng paggamit sa form ng pakikipag-ugnayan na nasa aming website at sa pagpili sa “Kasalukuyan ba akong kasapi ng OTW/Maaari ba akong bumoto?”.
- Kung pasok ang iyong donasyon sa akmang panahon, siguraduhing pinili mo ang opsyon na maging kasapi. Boluntaryo ang pagiging kasapi para sa mga nagbigay ng kahit US$10 lamang; tanging ang mga kasapi lamang ang maaaring bumoto.
- Kung naging kasapi ka na, siguraduhing hindi mo minarkahan ang kahit anong email galing sa OTW bilang spam, o hindi mo piniling alisin ang iyong sarili sa mga email ng OTW o sa balota sa nakalipas na taon. Kung nagawa mo iyon at nais mong bumoto sa taong ito, kinakailangan mong sundin ang ika-5 hakbang na nakasaad sa ibaba.
- Kung nagbigay ka ng kahit US$10 lamang sa akmang panahon at pinili mong maging kasapi, mangyaringkumpletuhin ang Contact Form para sa Halalan at piliin ang paksa na “Is my membership current/Am I eligible to vote?” (Kasalukuyan ba akong kasapi ng OTW/Maaari ba akong bumoto?) Siguraduhing nakalagay ang email na iyong ginamit noong nagbigay ka ng donasyon.
- Walang kinalaman ang pagiging kasapi sa pagiging tagagamit ng Archive of Our Own – AO3 (Ating Sariling Sisidlan) o Fanlore. Mangyaring huwag ibigay sa amin ang iyong panlagda sa AO3 o Fanlore — hindi namin malalaman kung kanino ang panlagda na iyon, at hindi namin nais malaman.
Pinakamahalaga sa lahat, kung hindi mo natanggap ang email ng mga panuto sa botohan, namarkahan ang email bilang spam, o inalis mo ang iyong sarili sa mga email, hindi ka makakatanggap ng balota sa halalan ngayong taon, at maaaring hindi ka makatatanggap ng balota sa susunod na taon. Gayundin, kung nangyari ang alinman sa mga nakasaad sa itaas sa mga email noong halalan ng nakaraang taon, hindi ka makatatanggap ng balota ngayong taon. Samakatuwid, kung inalis mo ang iyong sarili sa mga email ng OTW o minarkahan sila bilang spam at nais mong bumoto, kumpletuhin ang Contact Form para sa Halalan at piliin ang paksa na “Is my membership current/Am I eligible to vote?” (Kasalukuyan ba akong kasapi ng OTW/Maaari ba akong bumoto?)
Isang di pang-kalakal na organisasyon ang OTW (Organisasyon para sa Ibahing Katha) na sumasaklaw sa ilang mga proyekto, tulad ng AO3, Fanlore, Open Doors, TWC, at Batasang Pagtataguyod. Pinapatakbo ang buong organisasyon ng mga boluntaryo at dumepende lamang sa mga donasyon. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa OTW, maaaring tumungo sa website ng OTW. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa aming mga boluntaryong tagasalin, na siyang nagsalin ng paskil na ito, maaaring tumungo sa pahina ng Komite ng Pagsasalin.